EDITORIAL: Gunita o Guni-guni

An EDSA@39 Editorial by The OLPSian Times

Noong ika-25 ng Pebrero taon 1986, matagumpay na ibinalik ng mamamayang Pilipino ang demokrasya sa Pilipinas. 

Ang EDSA Revolution ay isang makasaysayang tagumpay na nagsilbing ehemplo ng tunay na demokrasya, kung saan milyon-milyong Pilipino ang nagkaisa upang ipaglaban ang kanilang kalayaan mula sa mapanupil na rehimen ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. 

Ngunit, nitong nakaraang taon lamang, inilabas ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Proclamation No. 167, na nagdeklara na ang Pebrero 25 ay isa na lamang special working holiday, na tila ba’y isa lamang itong karaniwang araw na siyang lilipas rin.

Maliban pa rito ay nagtakda ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng “No Work, No Pay” kasabay ng paggunita sa EDSA People Power Revolution, na tila may kahihinatnan ang mga manggagawang gugunita sa araw na iyon.

Para sa ilan, ang mga simpleng pagbabago sa paraan kung paano gunitain ang rebolusyon ay hudyat ng pagusad sa mga nangyari sa ilalim ng Martial Law na tila ang mga ito ay guni guni lamang. Ngunit sa kasalukuyang panahon kung saan ang nakaupo ngayon sa palasyo ay ang anak ng diktador na pinatalsik ng Pilipinas sa EDSA, pagusad nga ba ang layunin? O marahil ang layunin ay ang pagbago ng kasaysayan at paglinis ng apelyidong nadumihan ng dugong dumanak noong dekada sitenta?

Mahalaga ang People Power Revolution hindi lamang bilang isang tagumpay laban sa diktadura kung hindi ay bilang patunay rin na kapag nagkaisa ang mamamayan, kaya nating panagutin ang pinakamalakas na tao sa bansa. Ang EDSA Revolution ay hindi lamang isang tagumpay sa pulitika, kundi ito rin ay isang pagkapanalo ng mga mamamayan, isang paalala na mayroon tayong kapangyarihang magdemanda at ipahayag ang ating hustisya.

Sa pagbabawas ng opisyal na selebrasyon at sa kawalan ng masinsinang pagtuturo nito sa mga paaralan, unti-unting nabubura sa kabuuang kamalayan ng bansa ang tunay na kahulugan ng People Power. Ang pagtanggap sa ganitong mga kilos ay tila pagpayag din na mawala ang ipinaglaban ng mga Pilipino—ang kalayaan at demokrasya na tinatamasa natin ngayon dahil sa rebolusyon. 

Ang pagbabalewala sa EDSA Revolution ay hindi lamang isang paglimot sa nakaraan kung hindi ay isang pagwawalang-bahala sa ating mga natamong kalayaan. Kung hindi ipaglalaban ang diwa ng EDSA, paano mapangangalagaan ang demokrasya na ipinaglaban ng ating mga lolo at lola? Sa isang panahon kung saan laganap ang pagtatangkang baguhin ang kasaysayan, mas lalong nagiging mahalaga ang patuloy na pag-alala at paggunita sa EDSA.

Ang diwa ng EDSA ay hindi dapat manatili sa mga libro ng kasaysayan lamang—dapat itong isabuhay sa bawat kilos at desisyong ginagawa natin bilang mga mamamayan ng isang bansang may malayang demokrasya. Kaya gaano man nila subukang palibutan ng dilaw na palamuti ang EDSA Shrine at burahin sa kasaysayan ang mga karumaldumal na pagpatay, pagdakip, at pagpapahirap, mananatiling may bahid ng pula ang bawat anibersaryo ng EDSA. Bawat luha, pawis, dasal, at dugong inilaban ng mga mamamayan noong taong ‘86 ay mananatiling buhay sa alaala ng bayan. Mananatili itong isang patunay na ang demokrasya ay hindi dapat maliitin, at ang kasaysayan ay hindi dapat baluktutin.

Scroll to Top
Skip to content